Nasawi ang isang kadete sa isang maritime academy sa Laguna matapos ang matinding pag-e-ehersisyo bilang parusa umano na ibinigay ng mas nakatataas na kadete. Hinala ng pulisya, hindi nagustuhan ng suspek ang pagsagot ng biktima ng thumbs up sign sa kanilang chat group.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Vince Andrew Delos Reyes, na tubong-Oriental Mindoro.
Para maging marino, pumasok ang biktima sa NYK-TDG Maritime Academy of the Philippines sa Calamba, Laguna.
Pero nitong July 8, makalipas ng 30 minuto makaraang maghapunan, ipinatawag si Delos Reyes ng kadete na mas nakatataas sa kaniya at pinag-ehersisyo dahil umano sa kasalanang nagawa.
"According sa investigation si victim was ordered to perform series of exercises. Una sa squat thrust for 100 repetitions, then yung pumping another 100 repetitions, then 'yun last kung saan siya nag-collapse yung star jump," ayon kay Police Lieutenant Colonel Titoy Cuden, OIC, Calamba Police Station.
Dinala umano sa infirmary ng academy ang biktima at isinalang CPR, at kinalaunan ay isinugod sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Sinabi umano ng mga kaklaseng sumama sa biktima na walang "body contact" o pananakit na nangyari at pinag-ehersisyo lang talaga si Delos Reyes bilang parusa.
Nang tanungin kung ano ang nagawa ng biktima para parusahan, ayon kay Cuden, posibleng ang pagsagot umano nito ng thumbs up sign sa kanilang group chat.
"Yung pag-thumbs up maybe hindi nagustuhan ng senior class...thumbs up instead of answering nang formal na okay," ayon sa opisyal.
Hinihintay pa ng pulisya ang resulta ng isinagawang autopsy sa mga labi ng biktima.
Reklamong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampa laban sa suspek.
Hindi naman kumbinsido ang ina ng biktima na walang foul play sa pagkamatay ng kaniyang anak.
Iginiit niya na walang problema sa kalusugan ng kaniyang anak base na rin sa mga medical test na pinagdaanan nito bago makapasok sa academy.
Sa isang pahayag, sinabi ng NYK-TDG Maritime Academy, na nag-alok na sila ng tulong at counselling support sa pamilya ng biktima.
Nakikipagtulungan umano sila sa imbestigasyon at magsasagawa ng full review sa mga patakaran at code of conduct ng eskwelahan. -- FRJ, GMA Integrated News