Napulot ng ilang kabataan sa dalampasigan ng Agno, Pangasinan ang 11 plastic na may lamang shabu na tinatayang may timbang na isang kilo ang bawat isa. Ang mga plastic, may Chinese marking na katulad ng nakita sa mga bloke ng shabu na nakuha sa dagat sa Ilocos Sur.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, sinabing nakita ng mga kabataan nitong Martes ang mga ilegal na droga sa dalampasigan ng Barangay Baruan, na inakala nila noong una na tawas.
"Nakita namin, binuksan namin… kumuha kami ng droga, akala namin tawas," ayon sa isa sa mga nakapulot.
Napag-alaman na isang plastic din na may shabu ang nakita rin sa dalampasigan ng Barangay Macaboboni noong Sabado.
Ayon sa pulisya, may mga marka na nakalagay sa napulot na droga na katulad ng nakasulat sa mga droga na nakita sa karagatan ng Ilocos Sur.
"‘Yung mga Chinese markings nito, based sa PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) at crime lab, same ito sa narekober for the past week sa Ilocos Sur," ayon kay Police Colonel Jeff Fanged, Director, Pangasinan Provincial Police Office.
Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing umabot sa 91 bloke ang droga na nakita sa karagatan ng Ilocos Sur na umaabot ang halaga sa mahigit P600 milyon.-- FRJ, GMA Integrated News