Tatlo ang nasawi-- kabilang ang dalawang bata-- at apat ang nawawala matapos maanod ng baha sa ilog ang isang pick-up na may 17 katao na sakay sa Carmen, Cebu.

Sa ulat ni Dano Tingunco sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nangyari ang insidente nitong hapon ng Lunes sa Barangay Cantumog.

Ayon sa awtoridad, galing sa resort ang mga biktima at pauwi nang madaanan nila ang binahang kalsada dulot ng pag-ulan, na malapit sa ilog.

Sa hiwalay na ulat ng GMA Regional TV, sinabing tumama ang sasakyan sa isang malaking bato kaya tumigil ito sa pag-usad at nagkaroon ng pagkakataon ang mga rescuer na masagip ang 10 na nasa ibabaw ng sasakyan.

Patuloy na hinahanap ang apat na nawawala.-- FRJ, GMA Integrated News