Patay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng nakababata niyang kapatid sa Pidigan, Abra. Giit ng suspek, ipinagtanggol lang niya ang sarili laban sa kaniyang kuya na matagal na niyang kaalitan.

Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Luis Bernardez, Jr., 48-anyos, residente ng Barangay Pangtud.

Nakadetine naman ang suspek na nahaharap sa kasong homicide na si Jorge Bernardez, 44-anyos, residente rin ng nabanggit na barangay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na lasing umano ang biktima na pinuntahan sa bahay ang natutulog na suspek at hinamon ng away.

Dito na nagkaroon ng mainitang komprontasyon ang magkapatid na humantong sa pagpalo umano ni Luis ng tubo sa leeg ni Jorge.

Gumanti naman si Jorge sa pamamagitan ng pagsaksak sa kaniyang kuya na nagtamo ng 14 na saksak sa dibdib at likod.

Ayon kay Jessie na kapatid ng suspek at biktima, tinangka niyang awatin ang dalawa pero ayaw umanong magpaawat ni Luis.

Sa likod ng relas, igiiit ni Jorge na self-defense lang ang kaniyang ginawa dahil baka mapatay siya ng kaniyang kuya.--FRJ, GMA Integrated News