Nadagdagan ang pasakit sa pamilya ng isang apat na taong gulang na lalaki na namatay nang mabagok ang ulo at mahulog sa sapa, nang tangayin pa umano ng online scammer ang P16,000 na abuloy sa Cebu City.
Sa ulat ni Allan Domingo ng GMA Regional TV, na iniulat din sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang aksidente nitong Linggo ng hapon.
Sinabi ng lola ng biktima na si Andrika Paraiso, na hindi nila namalayang lumabas ng bahay si Mark Louie Paraiso nang mangyari ang insidente.
Dinala pa si Mark sa ospital ngunit pumanaw din matapos magtamo ng malaking sugat sa ulo.
Ngunit habang nagluluksa ang pamilya, nabiktima pa sila ng online scammer, na tumangay ng P16,000 donasyon para sa apo, na ipinadala sa e-wallet.
Ayon kay Paraiso, may humingi umano ng One Time Password, na ipinalabas na requirement upang makapagpadala sa kanila ng tulong pinansyal.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
“May kung ano siyang hiningi. Na-scam pa ang pera. Magagamit sana ‘yun na matugunan aming problema,” sabi ni Andrika Paraiso, lola ng bata.
Nananawagan ang pamilya ng bata ng tulong pinansyal upang matustusan ang pagpapalibing nito.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News