Matinding trahediya ang sinapit ng isang pamilya sa Maasin, Iloilo matapos masawi sa sunog ang tatlo sa limang batang magkakapatid. Ang magulang nila, umalis ng bahay para pumunta umano sa lamay.

Sa ulat sa Super Radyo dzBB ni Sevein Hope Gegantoca ng Super Radyo Iloilo, sinabing nangyari ang insidente sa Sitio Araw-awon sa Barangay Dalusan noong Miyerkules nga gabi.

Dalawa sa mga nasawi na isang babae na edad lima at isang lalaki na apat na taong gulang ay mayroon umanong kapansanan.

Habang mahigit isang-taong-gulang naman ang isa pang nasawi na babae na rin.

Patuloy namang ginagamot sa ospital dahil sa tinamong mga sunog sa katawan ang dalawang nakaligtas na magkapatid na edad 12 at walo na parehong babae.

 

 

Ayon kay Fire Officer 2 Remegio Peloquero Jr., arson investigator ng Maasin Fire Station, naiwan ang magkakapatid sa bahay dahil nagtungo sa lamay ang kanilang mga magulang.

Lumalabas sa imbestigasyon na bago umalis, nagsindi ng pampausok ang mga magulang ng bata para ipangtaboy sa mga lamok na hinihinala ngayon na dahilan ng pagkasunog ng bahay na gawa sa light materials.-- FRJ, GMA Integrated News