Patay ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki matapos siyang aksidenteng matapunan ng bagong-kulong tubig sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni Cyril Chaves ng GMA Regional TV, na iniulat din sa State of the Nation at Balitanghali, kinilala ang biktima na si Cody Ryan Balili, na natapunan ng kumukulong tubig sa katawan at mukha.
Ayon kay Rosa Balili, lola ng bata, nag-init ng tubig ang ama ni Cody para pagtimplahan ng gatas.
Inilagay daw ng ama sa lalagyan ang mainit na tubig at ipinatong sa mesa. Nagulat na lamang ang ama ng bata nang biglang humiyaw ang kanyang anak.
Inabot pala ng bata ang mainit na tubig at natapon ito sa kanya.
"Sabi niya 'Umalis ka diyan Cody dahil mapapaso ka.' Paglingon niya, roon na natapon ang tubig sa kaniyang ulo, mukha at likod," sabi ni Rosa.
Naisugod pa sa ospital ang bata, ngunit binawian din ang buhay.
Nalaman na ng ina ng bata na isang OFW ang sinapit ni Cody. Gayunman, hindi pa siya makakauwi sa Pilipinas dahil bagong OFW pa lang siya.
Samantala sa Laoag, Ilocos Norte, isang fishball vendor ang nalapnos ang braso at kili-kili matapos maglihab ang kaniyang lutuan.
Ayon kay Jay Pascual, nagluluto siya noon ng fishball sa gilid ng kalsada nang maganap ang insidente.
Tinangka pa niyang apulahin ang apoy gamit ang basahan ngunit nalapnos ang kaniyang braso dahil sa lakas ng apoy.
Natupok naman ang kaniyang food cart.
Sinabi ng BFP na nagkaroon ng leak ang gamit niyang maliit na LPG.
Narito ang ilang maaaring gawin kung sakaling mapaso o masunog ang balat, ayon sa National Health Service-England
- Ilayo ang taong napaso mula sa pinagmulan ng init
- Tanggalin ang anumang damit o alahas sa nasunog na balat, maliban na lang kung dumikit na ito.
- Linisan ng malamig o maligamgam na running water ang nasunog na bahagi sa loob ng ilang minuto. Huwag itong lagyan ng yelo o ice water o anumang cream o greasy substance tulad ng butter o toothpaste.
- Matapos palamigin ang nasunog na balat, pwede itong takpan ng malinis na cling wrap o plastic bag.
- Uminom ng painkiller para maibsan ang kirot
- Iangat ang apektadong bahagi para mabawasan ang pamamaga.
Kung malala na ang kaso ng pagkasunog ng balat, pumunta na agad sa ospital. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News