Isang inabandonang sasakyan ang nakita sa Tarlac City na hinihinalang may kaugnay sa nawawalang magkasintahan na sina Geneva Lopez at Yitshak Cohen. Ayon din sa pulisya, nakuhanan din ng testimonya ang middleman na dating pulis na nakasama ng dalawa nang puntahan ang bibilhin sanang lupa sa Tarlac.
“Sa ngayon, 'yung report, meron nang natagpuan ang ibang operatiba natin dito sa Province of Tarlac, diyan sa Barangay Tibag, Tarlac City,” sabi ni Capas Police chief Police Lieutenant Colonel Librado Manarang nang makausap ng mga mamamahayag sa telepono nitong Lunes.
“As of now, wala pa rin akong kongkretong detalye regarding doon sa nakitang abandoned na sasakyan,” dagdag ng opisyal..
June 21 nang umalis mula sa kanilang bahay sa Angeles City, Pampanga, ang Pampanga beauty pageant contestant na si Lopez, 26, kasama ang Israeli boyfriend na si Cohen, upang pumunta sa Tarlac, at tingnan ang bibilhing lupa.
Pero hindi na nakauwi ang magkasintahan.
Kinabukasan, nakita ang sunog na sasakyan ng magkasintahan sa gilid ng kalsada sa Capas pero walang nakitang tao sa loob.
Ayon kay Manarang, nakuhanan na ng testimonya ang middleman ng magkasintahan at nakasama nila sa pagpunta sa lugar ng bibilhing lupain.
Nakausap din umano ng mga awtoridad ang abogado ng middleman na dating pulis sa Angeles City.
“Doon sa affidavit at testimony, na-interview natin si middleman. Noong June 21, mga 2:00 to 3:00 p.m. ng hapon, na-meet niya yung magkasintahan pumunta sila sa Barangay Armenia, Tarlac City kung saan titingnan nila yung lupa na bibilhin sana ng dalawa,” ayon sa opisyal.
“Yung middleman lang yung na-meet doon sa mismong area na bibilhin sana nilang lupa,” dagdag niya.
Ayon kay Manarang, wala pa silang impormasyon kung bakit umalis sa pagiging pulis ang middleman.
“Businessman din siya and nagiging ahente rin siya ng mga lupa-lupa. Yes, dati siyang pulis po. Before siya naalis sa serbisyo, na-assign po siya sa Angeles City,” sabi ni Maranang.
Mag-alok ang pamilya ni Cohen ng P250,000 pabuya sa sinong mang makapagbibigay ng impormasyon para makita ang magkasintahan.
Bumuo ang Tarlac Police Provincial Office ng special committee on missing persons para mapabilis ang paghahanap kina Lopez at Cohen. —mula sa ult ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News