Isang lalaki ang nahulog sa ilog sa Barangay Coronan, Sta. Cruz, Davao del Sur nitong Linggo.

Kasagsagan noon ng malakas na ulan, ayon sa ulat sa Unang Balita nitong Lunes.

Nakita ng isang netizen ang lalaki na naglalakad sa gilid ng ilog at vinideohan niya ito.

Tila nakainom daw ang lalaki dahil pagewang-gewang ito.

Maya-maya lang ay nakita sa video ang pagkahulog ng lalaki sa rumaragasang agos ng ilog.

Tumawag ang mga residente ng rescue volunteers ngunit bigo silang makita ang lalaki.

Davao City

Samantala, sa Davao City, ilang kalsada ang binaha nitong Linggo ng gabi dahil din sa malakas na ulan, ayon sa isa pang ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

 

Pinasok din ng baha ang ilang mga bahay.

Nag-ikot ang mga awtoridad upang alamin ang kondisyon ng mga residente. —KG, GMA Integrated News