Nasawi ang isang mangingisdang nag-aayos ng lambat matapos siyang atakihin umano ng pating sa Sibuco, Zamboanga del Norte.

Sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Sabado, isinalaysay ng kasamahan ng mangingisda na pumalaot sila noon sa dagat at lumusong sa tubig ang biktima upang ayusin ang lambat.

Makalipas ang ilang saglit, isang pating ang lumapit at kinagat ang kanang braso ng mangingisda.

Naidala pa sa ospital ang biktima, ngunit doon na siya nasawi.

Sinabi ng pulisya na ito ang unang naitalang insidente ng shark attack sa lugar. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News