Timbog ang dalawa sa tatlong lalaki na nang-holdap ng isang convenience store sa Taytay, Rizal. Ang nasa P500,000 kita ng establisimyento, tinangay.

Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, mapapanood sa CCTV ang pag-park ng itim na SUV sa tapat ng isang convenience store sa Manila East Road Tikling sa Barangay Dolores, Taytay pasado 2 a.m. ng Lunes, Hunyo 24.

Bumaba ang tatlong lalaki bago pumasok sa establisimyento.

Ilang sandali pa, lumabas na ang tatlong lalaki at agad na umalis patungong Marcos Highway.

Hinoldap na pala ang convenience store ng mga lalaki, na nagkunwaring customer ngunit tinutukan ng baril kalaunan ang tatlong empleyado ng tindahan.

Ginapos ng mga suspek ang mga biktima bago sinira ang vault, at nilimas ang kita ng convenience store na mahigit kumulang P500,000.

Sinabi ni Police Lieutenant Colonel Gaylor Pagala, acting chief ng Taytay, Rizal Police na bago ang insidente, may nakita rin ang mga suspek na isang convenience store malapit sa Taytay na una dapat nilang pupuntiryahin, ngunit nakita nilang mayroong guwardiya at maraming customer kaya hindi nila ito itinuloy, kaya nagtungo na lang sa Taytay.

Makalipas lang ang ilang oras, nangholdap at nakarating pa sila sa Plaridel, Bulacan. Dumiretso sila sa Pampanga, ngunit dito na sila natiktikan ng mga awtoridad.

Nadakip ang dalawa sa mga suspek sa isa sa mga bayan sa Pampanga.

Nakuha sa mga suspek ang tig-isang .38 caliber na baril.

Patuloy ang backtracking ng Taytay Police para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, habang isinasagawa rin ng Bulacan Police ang kanilang follow-up operation sa isa pa nilang kasamahan. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News