May panibagong 36 na bloke ng shabu ang "nabingwit" ng mga mangingisda sa bahagi naman ng karagatan ng Ilocos Sur.  Unang nakita ang 24 na bloke ng shabu sa karagatan ng Ilocos Norte na tinatayang aabot sa P160 milyon ang halaga.

Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabing isang mangingisda ang unang nakakita sa isang lumulutang na sako sa karagatang sakop ng Caoayan, Ilocos Sur noong  June 26.

Inakala ng mangingisda noong una na basura ang laman nito. Pero nang suriin, nakita niya na mayroong itong laman na 18 bloke na nakabalot ng light blue packaging na may Chinese marking.

Dinala niya ang sako at ipinagbigay-alam sa pulisya ng Sta. Maria. Nang suriin ang laman nito, nagpositibo ito na shabu.

Pagkaraan ng ilang oras, ang mga mangingisda naman sa Magsingal ang nakakita sa isang sako na may laman na 18 bloke rin, na kanila ring ipinaalam sa pulisya.

Inaalam na ng mga awtoridad kung ang mga nakitang 36 na bloke ng shabu at konektado sa 24 na bloke ng shabu na unang nakita ng mangingisda na lumulutang sa karagatan na sakop ng Badoc, Ilocos Norte.

"Yung kulay blue, may Vhinese characters tapos, yung white may markings na 168. Parehas nung mga nakuha dun sa karatig towns natin," ayon kay Police Captain  Rodel Ragasa, Officer-in-Charge ng Magsingal Police Station. -- FRJ, GMA Integrated News