Patay na nang matagpuan sa Bicol Natural Park sa Basud, Camarines Norte ang isang lalaking negosyante na ilang araw nang nawawala matapos magsabi sa kaanak na may katatagpuing buyer ng laptop.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Martes, sinabing June 27, 2024 nang huling maka-chat ng kapatid ang 38-anyos na biktima na taga-Naga City.
Ayon sa kapatid, nagsabi ang biktima na pupunta ito sa Sipocot dahil may kakatagpuin na bibili ng laptop. Pero mula noon ay hindi na nila ito nakontak.
Pagkaraan ng apat na araw mula nang mawala, isang forest ranger sa Bicol Natural Park sa bahagi ng Barangay Tuaca sa Basud, ang nakakita sa bangkay na nagsisimula nang maagnas.
Agad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa iba pang himpilan ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng bangkay.
Positibo namang kinilala ng mga kaanak ang bangkay ng biktima dahil sa suot nitong bracelet. Nawawala umano ang wallet nito.
Nanawagan ang kaanak ng biktima sa mga may nalalaman tungkol sa sinapit nito na makipag-ugnayan sa pulisya.
Hindi naman matukoy sa ngayon ng awtoridad ang sanhi ng pagkamatay ng biktima, o kung binaril dahil na rin sa kagayan ng bangkay nito na nasa state of decomposition na. --FRJ, GMA Integrated News