Nanawagan si Surigao del Norte lawmaker Ace Barbers sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na pangalanan kung sino ang dating opisyal ng Gabinete na nagsilbing "padrino" ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) para mabigyan ng lisensiya na mag-operate.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ni Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, na dapat papanagutin ang dating opisyal kung may ginawang iregularidad.
"Kung totoo na siya ay nagla-lobby para doon sa mga POGO operators both legal at illegal eh parang naging enabler ngayon siya," anang kongresista.
Sa isang pahayag kamakailan ng PAGCOR, sinabi nito na "a former high ranking government official tried to facilitate the grant of gaming licenses to some of the illegal POGOs that have been recently raided and found engaged in illegal activities."
Ayon kay PAGCOR chief Alejandro Tengco, mula sa 298 na POGO na may lisensiya sa nagdaang administrasyon, bumaba na ito sa 43 na lamang matapos magsagawa ng paglilinis laban sa mga illegal operator.
"What we need to question, in the first place, was how those 298 POGO licensees were able to secure their licensees in the past because clearly, during our cleansing process, we found most of them to be ineligible and outright suspicious," tanong ni Tengco.
Tungkol sa hamon ni Barbers, sinabi ng opisyal ng PAGCOR na magsasalita na lang siya sa gagawing imbestigasyon ng Senado.
Kasabay nito, iginiit ni Barbers na dapat itigil na ang lahat ng POGO, maging ang mga legal o may lisensiya.
“It is about time we stop allowing POGOs considering that this is illegal in their country (China). Why are we allowing this in our country? Dapat magkaroon tayo ng matibay na posisyon rito,” sabi ni Barbers sa pulong balitaan nitong Martes.
Idinagdag pa ng kongresista na hindi maaaring bigyan ng katwiran ang “economic benefits” ng POGO kapalit ng mga nangyayaring krimen sa operasyon nito.
“As for revenues, economic benefits that we are supposedly getting from POGO, we should remember that social costs are much higher because of kidnapping, extortion, bribery, and corruption,” paliwanag ni Barbers. —FRJ, GMA Integrated News