Mayroon nang persons of interest ang mga awtoridad sa kaso ng pagkawala ng beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at Israeli boyfriend nito na si Yatshak Cohen.
Gayunman, tumanggi na muna si Philippine National Police spokesperson Colonel Jean Fajardo na magbigay ng iba pang detalye tungkol sa mga person of interest habang patuloy pa ang imbestigasyon.
“Sa persons of interest, hindi pa po tayo makapagbigay ng additional na detalye. Pero initially, may mga identified na po tayo na persons of interest,” sabi ni Fajardo sa press briefing nitong Martes.
Huling nakita sina Lopez at Cohen, noong June 21 na mula sa Angeles City, Pampanga ay nagtungo sa Tarlac para puntahan ang bibilhing lupa.
Kinabukasan, nakita ang sunog nilang sasakyan sa gilid ng daan sa Capas pero walang mga nakasakay.
Sinabi rin ni Fajardo na pinuntahan ng Highway Patrol Group (HPG) ang address ng nakarehistro sa isa pang inabandonang sasakyan na nakita sa Tarlac City na hinihinalang may kaugnayan sa nawawalang magkasintahan.
Pero lumitaw na naibenta na ng nakarehistrong may-ari sa ibang tao ang naturang sasakyan.
Bukod kay Lopez, isa pang beauty pageant contestant ang nawawala mula pa noong Oktubre 2023 sa Batangas na si Catherine Camilon.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News