Apat na tama ng bala ng baril ang tumapos sa buhay ng isang babae na papunta sana sa kapilya sa Padre Garcia, Batangas nitong Miyerkules. Ang suspek, tumakas sakay ng motorsiklo.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabi ng pulisya na tinitingnan nila kung may koneksiyon sa pagpatay sa 46-anyos na biktima, ang nangyaring pamamaril din sa mister nito.

Ayon kay Police Captain Ramil Malipol, hepe ng Padre Garcia Police station, binaril din at napatay noong 2019 ang mister ng babae.

"Tinitingnan pa lang namin ngayon ay yung pagkamatay ng asawa niya noong 2019 and then naghi-hearing pa sila ngayon, so 'yon ang aming tinitingnan. May lead na kami, hindi pa lang mai..[release], kailangan  pa namin ng confirmation," paliwanag ni Malipol.

Sinisikap pang makunan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.

Pero ayon kay Malipol, sinabi ng mga kaanak ng biktima na wala silang alam na nakaaway nito.-- FRJ, GMA Integrated News