Timbog ang isang lalaking snatcher umano na nanghablot ng wallet ng isang estudyante matapos siyang makorner sa gitna ng kalsada sa Daraga, Albay.

Sa ulat ni Jessica Calinog ng GMA Regional TV, na iniulat din sa Unang Balita at Balitanghali nitong Huwebes, mapapanood sa CCTV footage na tumatakbo ang suspek patawid sa kalsada.

Ilang saglit lang, nakorner na ang lalaki ng ilang taga-roon at mga kawani ng Public Safety Office.

Sinabi ng Daraga Police na sinundan ng lalaki ang biktima.

Pagkarating sa lugar na walang CCTV, hinablot ng lalaki ang wallet ng estudyante na may lamang mahigit P5,000 bago tumakas.

Ngunit nakahingi ng tulong ang estudyante kaya nahabol at nadakip ang suspek, na tinangkang tumakas.

"Nang nakita ko na, hinuli ko na lang bigla, 'di ko naman nakita kung may patalim o anuman basta siya hinuli ko," sabi ni Dioscoro Romasanta, parking assistant.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek, na hindi nagbigay ng pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News