Nauwi sa trahediya ang pamamasyal ng isang pamilya sa Agno, Pangasinan na galing sa Rizal nang malunod sa dagat ang kasama nilang mag-asawa. Unang tinangay ng alon ang ginang at tinangka siyang sagipin ng kaniyang mister.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya noong Sabado sa Barangay Baruan sa Agno, na malapit sa sikat na "Depth Pool."
Ayon sa pulisya, mula sa beach resort na tinutuluyan sa pamilya, naglakad umano ang 48-anyos na ginang sa rock formation na malapit sa "depth pool."
Natangay ng malakas na hampas ng alon ang ginang at natangay sa dagat. Nang makita ng 47-anyos na mister ang kaniyang maybahay, tinangka niya itong sagipin pero pareho na silang nalunod.
“Nung nakita niya ang kaniyang asawa na nahulog sa dagat ay minadali niya itong i-rescue sana. Sa kasamaang palad, napakalakas ng alon, so tuluyan silang dalawa na nalunod," ayon kay Police Captain Ross Brian Marmeto, hepe ng Agno Police Station.
Inabot ng apat na oras bago nakuha ang katawan ng mag-asawa na mula sa Antipolo, Rizal, at nagbabakasyon sa Pangasinan.
Ayon kay Marmento, batay umano sa pahayag ng anak ng mag-asawa, marunong umanong lumangoy ang kaniyang mga magulang pero sadyang malakas umano ang alon nang oras na mangyari ang insidente.
“According sa anak, marunong namang lumangoy [yung mga biktima]. Ang problema sa sobrang lakas ng hangin at alon, hindi talaga kakayanin," sabi ni Marmeto.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng mga biktima, ayon sa ulat. --FRJ, GMA Integrated News