Isang senior citizen ang patay sa San Jose del Monte, Bulacan matapos pagnakawan na at bugbugin pa, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na naglalakad ang 71-anyos na biktima nang sapilitan siyang isakay sa isang AUV ng mga salarin.
"Nag-counterflow po itong sasakyan, meron silang nabanggang motorsiklo, tapos nakita nung driver ng motorsiklo — bigla po kasing bumukas yung sasakyan — nakita nila na may binubugbog sa loob na isang matanda," ayon kay Police Corporal Ryand Paul Antimaro, imbestigador mula sa San Jose Del Monte Police Station.
"Kaya agad po silang nakakuha ng pansin, kaya po hinabol po nila," dagdag pa niya.
Ilang metro pa raw ang itinakbo ng AUV hanggang makatakas ang biktima. Humingi siya ng tulong sa guwardiya ng isang subdivision, na siya namang tumawag sa pulisya.
Bagama't naisugod pa sa ospital, binawian din ng buhay ang biktima kalaunan.
Inaresto ang driver ng AUV habang nagpulasan naman ang kaniyang mga kasama.
Naaresto rin kalaunan ang mga nakatakas na suspek — apat na babae at isang lalaki — matapos silang ituro ng nahuling driver. Nabawi sa kanila ang kanilang mga ninakaw, kabilang ang P21,000 na cash, at iba't ibang alahas na nagkakahalaga ng P320,000.
May nakuha ring baril at sumpak na kargado ng mga bala sa mga suspek.
"Lumalabas sa imbestigasyon namin na itong biktima ay nagtubos ng mga alahas sa isang pawnshop kaya siguro natiktikan nitong mga suspek natin," ani Antimaro.
Dalawang suspek pa ang pinaghahanap ng mga otoridad. Ayon sa pulisya, bahagi ng isang grupo ang mga suspek na ang modus ay pagnanakawan ang biktima at bubugbugin pa. May nabiktima raw silang isang retired police officer nito lamang Pebrero.
Itinanggi naman ng mga suspek ang krimen. Mahaharap sila sa reklamong robbery with homicide habang ang dalawang lalaking suspek ay may karagdagang reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —KBK, GMA Integrated News