Patay ang isang babae matapos siyang barilin ng kaniyang dating kinakasama sa Lemery, Batangas. Ang suspek sa krimen, patay din matapos magbaril sa sarili.

Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen sa loob ng tindahan ng 54-anyos na biktima sa Barangay Maguihan.

Ayon sa pulisya, matapos barilin sa dibdib ang biktima, nagbaril din sa sarili ang 51-anyos na suspek.

Kapuwa sila idineklarang dead on arrival sa ospital.

Matinding selos ng suspek ang tinitingnan ng pulisya na motibo sa krimen dahil sa hinala na mayroong bagong nagugustuhan ang biktima.

Ayon kay Police Lietenant Colonel Ronie Siriban, OIC, Lemery Police Station, maaaring hindi umano natanggap ng suspek ang desisyon ng biktima na maghiwalay sila.

Gusto rin umano ng suspek na makipagbalikan pero tumanggi ang biktima.

Inaalam pa ng pulisya kung lisensiyado ang baril ng suspek.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng biktima at suspek.--FRJ, GMA Integrated News