Sinaklolohan ng mga awtoridad ang isang 95-anyos na ina na nakaranas ng pananakit mula sa kamay ng kaniyang 75-anyos na anak na lalaki na pinagbawalan niyang umalis ng bahay para pumunta sa isang burol sa Ilocos Norte. Sa kabila ng insidente, walang balak ang ina na kasuhan ang kaniyang anak.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage na kuha sa loob ng bahay ng mag-ina ang nangyaring pananakit ng suspek sa biktima.

Sa isang bahagi ng video, makikita na itinulak ng lalaki ang kaniyang ina na bumagsak sa sahig.

Sa isa pang video, makikita naman ang pananakit ng lalaki sa kaniyang ina habang nasa loob ng kuwarto.

May kasama naman na ibang tao sa bahay ang mag-ina pero hindi nagpapaawat ang suspek sa pananakit sa biktima.

“Mayroon silang hindi pagkakaintindihan. Itong anak na suspek natin, nagpaalam sa kanyang nanay na pupunta sa isang burol. Nairita itong anak kaya nagawa niyang saktan,” ayon kay Solsona Municipal Police Station chief Police Captain Randy Damo.

Nasaklolohan naman kinalaunan ang biktima matapos i-report ng isang konsehal ang insidente.
Sa kabila ng nangyari, wala umanong balak ang biktima na kasuhan ang kaniyang anak na nasa kostudiya ng pulisya,

“Ayaw naman niyang maghabla [ng ina] kaya ang isang intervention na lang natin, both of them will undergo counseling. ‘Yung anak naman niya ang kusang loob namang humingi ng tawad sa kanyang nanay,” sabi ni Damo. -- FRJ, GMA Integrated News