Sugatan ang isang rider matapos na sumabit ang kaniyang leeg sa nakalaylay na cable wire sa kalsada sa Lipa City, Batangas.

Sa ulat ni Paul Hernandez sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, sinabing hindi nakapagtrabaho ng apat na araw ang biktimang si Mark Macasaet dahil sa nangyari.

Ayon kay Macasaet, papunta siya sa bahay ng kaniyang nobya sa Barangay Latag nang mangyari ang insidente sa Barangay Antipolo Del Sur.

"Kasi nandoon po 'yung uniform ko, pagpasok ko po ng 5 a.m., nagkataon na pagdating ko ng Antipolo hindi na ako nakarating ng Latag at naaksidente na ako," ani Macasaet.

Huli na raw nang mapansin niya ang kable at hindi na niya ito naiwasan.

"Sobrang haba din ng nakalawit, eh… as in ganito ang clearance sa kalsada, hindi po siya yung ulo na papalo lang, nakaharang po talaga siya sa kalsada. Nasa 60 lang po [ang takbo ko], wala naman ako kasabay noon kaya ganoon ang takbo ko," kuwento pa ni Macasaet.

Inireport ni Macasaet sa barangay ng Antipolo Del Sur ang insidente at kinumpirma nito na sa telco company ang may-ari ng nakalaylay na kable pero hindi matukoy kung anong kompanya.

Ayon kay Helson Leyesa, barangay councilman ng Antipolo Del Sur, bago ang aksidente ni Macasaet, naatrasan ng truck ang isang poste na isa sa mga posibleng dahilan para lumaylay ang kable.

Nanawagan naman si Macasaet sa kompanyang may-ari ng kable na ayusin ang mga nakalaylay nitong kable para hindi na makadisgrasya.

Sinusuri naman ng mga opisyal ng barangay ang iba pang kable na posibleng nakalaylay sa kanilang lugar.--FRJ, GMA Integrated News