Sa social media inilabas ng bride ang sama ng kaniyang loob sa madaliang kasal na ginawa umano ng pari sa Saint Andrew Parish Church sa Amlan, Negros Oriental. Naglabas naman ng pahayag ang parokya at nagpaliwanag sa nangyaring "kalituhan" sa takdang oras ng kasal.
Sa ulat ni Eleanor Valeros sa GMA Regional TV News, binalikan ng bride na si Janice Seit Suelto-Sagario sa kaniyang post ang masaklap na pangyayari sa kanilang kasal noong June 8, 2024.
Naglalakad pa lang umano siya papunta sa altar pero sinimulan na agad ng pari ang seremonya ng kasal. Makikita sa viral video na hirap ang bride sa paglakad dahil sa suot niyang gown.
Ilang kawani ng simbahan nagsabi sa kanila na isang oras na umano silang "late." Alas 8:00 ng umaga ang oras ng kasal pero dumating sa simbahan ang ikakasal ng 9:00 ng umaga.
Pero gabi bago ang araw ng kasal, sinabi ni Sagario na sinabihan sila ng kanilang ninang na nagsisilbi sa simbahan, na iniurong umano ang kanilang kasal ng 9:30 am sa halip na 8:00 am dahil sa hectic schedule ng pari.
Kaya naman ang bride at ang kaniyang entourage, dumating sa simbahan ng 9:00 am. Doon lang nila nalaman na hindi binago ang orihinal na oras ng kanilang kasal na 8:00 am.
“Pero gisugat mig kasaba sa staff sa simbahan kay one hour late na daw mi, dili daw himuong ordinaryo ang simbahan! Ilaha tanang baba sa pagkasaba and yawyaw, wala sila gahatag namo og chance to explain our side," paglalahad ni Sagario.
Hindi umano naging madali kay Sagario na magmadali sa paglalakad papunta sa altar dahil sa kaniyang gown, at pagiging buntis niya.
“Naa pa kos entrance sa simbahan gisugdan na ang Mass wa man lang paabota nga makaabot kos altar and to think hapit pa ko ma-slide sa pagdali-dali knowing nga buntis ko and hapit na manganakay! Grabe kasakit sa dughan, disappointment, and kaulaw among na-feel kay sa pag-abot sa altar nakadawat na pud kasaba sa pari! Giingnan pa ko nga abi nila ug nanganak nako maong wa mi katungha sa saktong oras,” hinanakit pa ni Sagario.
Sabi pa ni Sagario, hindi naging maganda ang pagtrato sa kanila sa simbahan.
Nasaktan din siya nang makita niyang umiyak ang kaniyang groom dahil sa pangyayari.
Paliwanag ng Saint Andrew Parish
Sa Facebook page ng Diocese of Dumaguete-Commission on Catechesis, naka-post ang paliwanag ng Saint Andrew Parish sa nangyari, kung saan humingi rin sila ng paumanhin sa bagong kasal.
“The wedding ceremony was officially scheduled at 8 a.m. on June 8, 2024. That schedule was set a month before. However, on the night before the wedding, one of the lady sponsors went to the bride’s and groom’s house and told them that the wedding was moved to 9:30 a.m. and that they should not be in a hurry. She relayed this information in an unofficial capacity,” saad sa pahayag.
“This is unfortunate since there was no instruction at all from anyone in the Parish Office that there are changes in the schedule since there was a scheduled Funeral Mass at 9:30 a.m. of that same morning. Parish Office Staff believe that the lady sponsor may have misread the dates written on the bulletin which she perused the night before," patuloy nito.
Mayroon pa umanong 10 aktibidad na gagawin ang mga pari sa simbahan.
Humingi ang parokya ng paumanhin sa ikinasal, kani-kanilang pamilya, mga kaibigan at mga bisita na naapektuhan sa nangyaring insidente.
“We humbly admit the fact that along the way, there were statements made carried away by emotions. Hence, we express our sincere apology to the bride and the groom, to their respective families who were directly offended by the turn of these events, and to the people who have seen our humanity as priests in a time when we were weakest of any possible control. We also apologize and express gratitude to the bereaved family who were made to wait for the wedding to be finished,” nakasaad sa pahayag na may petsang June 10, 2024 na inilabas ng tanggapan ni Msgr. Albert Erasmo Bohol, parish priest.
'Take 2' ng kasal?
Samantala, nais naman ng mga wedding suppliers sa Negros Oriental na magkaroon ng "take 2" sa kasal nina Sagario, na all-expense paid.
Sa FB Reels ni John Lester Barot, isang professional violinist, ipinakita ang umano'y pakikipag-usap ng bagong kasal sa mga wedding supplier para muling isagawa ang kanilang kasal na planong gawin sa June 17, 2024.
"We kindly ask everyone to refrain from sharing any negative comments regarding the previous events and instead join us in wishing the couple a lifetime of happiness and love, starting from this wedding," saad ni Barot sa post.
Hinihintay pa ng GMA Regional TV News sa bagong kasal ang tugon para makumpirma ang muli nilang pagpapakasal.-- FRJ, GMA Integrated News