Dalawang batang magpinsan na wala pang 10-taong-gulang ang nasagip ng mga awtoridad sa Zamboanga City dahil inilalako umano ng kanilang tiyuhin na miyembro ng LGBTQ+ community sa online kalaswaan.
Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Lunes, sinabing naaresto ang suspek sa isinagawang entrapment operation ng mga awtoridad.
“Siya yung nagkakapera. Mga batang ito, hindi sila aware na ganito ang ginagawa ng kanilang uncle. Kasi gay ito, LGBT ang suspek natin,” ayon kay Police Lieutenant Colonel Mario Baquiran Jr., Officer-in-Charge ng Women and Children Protection Center-Mindanao Field Unit (WCPC-MFU).
Nadiskubre ng WCPC-MFU ang modus ng suspek noong Mayo 2024 sa pamamagitan ng online patrolling. Ibinebenta umano ng suspek ang mga hubad na larawan ng dalawang bata sa mga lokal at dayuhan nitong kliyente.
Ang mga magulang ng mga bata, walang kamalay-malay sa ginawa ng suspek sa kanilang mga anak.
“Hindi talaga aware ang mga bata, lalong-lalo na ang parents kasi siguro ginagawa niya sa time na sila lang ang tao sa bahay,” sabi ni Baquiran.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek na nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children and Sexual Abuse or Exploitation Material (RA 11930) at Anti-Trafficking in Persons Act (RA 9208).
Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek.
Samantala, nasa pangangalaga naman ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang magpinsan na biktima.
“On-going ang forensic examination sa cellphone, sa mga gadgets nya. Hindi pa natin alam may mga makukuha pa tayong ibang information. Nakakalungkot kasi mismo pamilya, kapatid ng parent’s ng bata natin, inaasahan na safe yung anak, pero mismong kadugo yung gumawa nito,” ayon kay Baquiran.-- FRJ, GMA Integrated News