Nasawi ang isang 12-anyos na lalaki matapos makuryente nang kunin niya sa puno ang saranggolang sumabit na malapit sa live wire sa San Carlos, Pangasinan. Ang ama ng biktima, napag-alaman na kamamatay din lang noong nakaraang Mayo.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, inabutan ng mga kaanak ang batang biktima na hindi na gumagalaw sa itaas ng puno sa Barangay Duyong nitong Miyerkules.

Kuwento ng kaanak, umakyat ng puno ang biktima para kunin ang saranggola na sumabit. Pero aksidente nitong nahawakan ang live wire na malapit sa mga sanga ng puno kaya siya nakuryente.

Nang maibaba siya mula sa puno, sinubukang isalba ang kaniyang buhay pero nabigo sila.

Ang lola ng biktima, inilarawan na mabait ang kaniyang apo na dinadalhan siya ng pagkain kapag hindi pa siya kumakain.

Dobleng lungkot ang nararamdaman ng pamilya ng biktima dahil kamamatay din lang ng ama ng bata noong nakaraang Mayo.

Samantala, isang 25-anyos na lalaki rin ang nasawi matapos makuryente rin sa ginagawang bahay sa Barangay Poblacion sa Anda, Pangasinan.

Ayon sa pulisya, nahawakan ng biktima ang scaffolding  na nakadikit sa live wire. --FRJ, GMA Integrated News