Nagtamo ng mga sugat ang isang pulis matapos mabaril ng isang lalaking inakalang siya ang target ng isinasagawa nilang operasyon kontra-sugal sa Dasmariñas, Cavite.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing naganap ang insidente Lunes ng gabi, kung saan nakasalubong ng mga pulis sa eskinita ang suspek at nakabatian pa nila noong una, dahil hindi naman nila ito target.
Ngunit nagtamang hinala ang suspek at inakalang siya ang target ng operasyon.
Paglampas ng pulisya, dito na nagpaputok ang suspek at nasapul sa tiyan at hita ang biktima.
Gumanti ng putok ang buddy ng biktimang pulis at nagkaroon ng habulan.
Tinamaan ang suspek, ngunit mala-palos itong nakatakas.
“May pinasukan po silang bahay, hindi naman po ‘yun ang bahay ng suspek. Private po ‘yung bahay na pinasukan para lang makatakas ‘yung suspek. Then tumalon po siya sa may creek para makatawid sa kabilang barangay,” sabi ni John Renan Mendoza, kapitan ng Barangay H2.
Sumuko kalaunan ang suspek nang pakiusapan ng kaniyang mga kaanak.
Dinala sa ospital dahil sa mga tama ng bala ang suspek, na hindi pa nagbibigay ng panig at nahaharap sa kasong frustrated murder. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News