Dumugo ang tainga ng isang 10-anyos na lalaki nang pagsasampalin siya ng tatay ng kaniyang kalaro dahil sa pang-aagaw niya umano sa laruan nito sa Umingan, Pangasinan noong Biyernes.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang pasugod na paglapit ng lalaki sa dalawang bata, bago sunod-sunod na pinagsasampal ang biktima na nakasuot ng dilaw.

Tumakbo naman papalayo ang kasama niyang bata.

Dumugo ang tainga ng biktima sa tindi ng kaniyang sinapit.

Base sa Umingan Police, tatay ng kalaro ng bata ang sumugod sa kaniya, na nagalit matapos agawin umano ng biktima ang laruan ng kaniyang anak.

Desidido ang pamilya ng bata na kasuhan ng child abuse ang suspek, na wala pang pahayag. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News