Nakunan ang kaawa-awang pagkatay ng isang lalaking amo sa kaniyang alagang aso para ihanda sa graduation ceremony sa Baguio City.

Sa ulat ng State of the Nation, mapapanood ang video na ginigilitan ng lalaki ang nakataling aso sa harap ng jeep.

Pinost ang video ng isang saksi na nanlumo matapos makita ang ginagawang pagkatay ng lalaki sa kaniyang alaga.

Natukoy na ang suspek at kinasuhan na ng paglabag sa Animal Welfare Act ng isang animal rights group.

Sa ulat naman ng Unang Balita nitong Martes, sinabing si alyas “Rose,” na kumuha ng video, at Rina Ortiz, CEO ng Biyaya Animal Care, ang naghain ng nasabing reklamo sa Prosecutor’s Office.

Lumabas sa imbestigasyon ng Biyaya Animal Care, kinatay ang aso para sa graduation party ng isang pamilya roon.

Posibleng maharap ang lalaki sa dalawang taon na pagkabilanggo at multang nasa P100,000.  —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News