Nasawi ang mga rider ng dalawang motorsiklo na nagbanggaan sa Palauig, Zambales. Dalawang rider pa ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente sa Pangasinan at Ilocos Sur.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing sugatan ang dalawang angkas ng isa sa mga rider na sangkot sa aksidente sa Zambales.
Sa imbestigasyon ng pulis, lumitaw na hindi umano nakabukas ang headlight ng isa sa dalawang motorsiklo at mabilis umano ang paandar ng dalawa.
Samantala, isang rider din ang nasawi nang sumalpok sa isang pampasaherong bus sa Urdaneta City sa Pangasinan.
Sa Candon, Ilocos Sur, nasawi rin ang isang 26-anyos na guro nang sumemplang ang motorsiklo nito at bumangga sa bakod.
Ayon sa pulisya, naamoy umano ng doktor na amoy alak ang biktima nang madala sa ospital.-- FRJ, GMA Integrated News