Dahil nauuso ang pagbibigay ng garlands at bouquets na may pera sa mga estudyanteng nagtatapos sa kanilang pag-aaral, nagbigay ng paalala ang isang opisyal ng Department of Education-Region 7 sa mga magulang na gumagawa nito na maging sensitibo rin sa damdamin ng iba.
Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, ipinakita ang moving-up ceremonies ng Grade 10 completers sa junior high school at graduation ng senior high school sa Mandaue City Sports Complex, na may mga batang binigyan ng pera ng kanilang mga magulang bilang regalo.
Ang mga pera, ginawang bouquet para sa mga babae, at garland na isinasabit naman sa mga lalaki.
Ang mga garland at bouquet, ipinapagawa umano at ini-order. Nagkakahalaga ng P250 ang paggawa ng bouquet na tig-P50, na naglalaman ng kabuuang P1,000.
Ang garland naman, P150 ang pagawa na may laman na tig-P100 at P1,000 din ang buong halaga.
Ayon kay DepEd-7 Director Salustiano Jimenez, desisyon ng mga magulang kung nais nilang reguluhan ng pera ang kanilang anak bilang pabuya sa pagsisikap ng mga anak na makapagtapos.
Gayunman, nagpaalala siya na ipinapakita sa harap ng publiko ang pagkakaloob ng naturang regalo.
Maaari umanong makapagbigay ito ng ibang kahulugan sa ibang tao, at posible ring makasakit ng damdamin ng mga taong nahaharap sa krisis pang-pinansiyal.
Pinaalalahan din ang publiko tungkol sa batas na maaaring maparusahan at pagmultahin ang hindi tamang paggamit o kung masira ang pera.
Noong nakaraang taon, isang Grade 10 student niregaluhan ng kaniyang kuya ng P1 milyon na ginawang kapa.--FRJ, GMA Integrated News