QUEZON - Isang sanggol ang nasawi sa bayan ng Padre Burgos, Quezon matapos tangayin at sirain ng baha ang kanilang bahay sa kasagsagan ng bagyong Aghon nitong Sabado.
Nakita ang mga labi ng sanggol kinabukasan.
Samantala, hanggang nitong Lunes ng madaling araw ay patuloy ang ginagawang monitoring ng Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Provincial Government sa naging epekto ng bagyong Aghon.
Ang mahigit isang libong indibidwal na inilikas sa buong lalawigan ay nadagdagan pa.
Hindi pa matukoy ang halaga ng pinsala sa agrikultura at imprastruktura.
Sa bayan ng Tiaong ay namahagi ng food pack ang local government unit sa mga residente na nasa evacuation center.
Humupa na ang baha sa mga lugar na nalubog sa baha kahapon.
Nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 nitong Lunes ng 5 a.m. ang hilaga at gitnang bahagi ng Quezon, partikular ang mga bayan ng General Nakar, Infanta, Real, Mauban, Perez, Alabat, Quezon, Calauag, Tagkawayan, Guinayangan, Lopez, Atimonan, Gumaca, at Plaridel.
Ang mga bayan na nasa TCWS No. 1 ay makararanas ng malalakas na hangin na may speed na 39 hanggang 61 km/h sa loob ng 36 na oras, na puwedeng magdulot ng minimal to minor threat to life and property, ayon sa PAGASA.
Nitong Linggo ng hapon ay nasa TCWS No. 3 ang silangang bahagi ng Quezon. —KG, GMA Integrated News