Muling hinuli ang lalaking suspek sa panggagapos, pagbusal, at panghahalay ng isang babaeng masahista sa Maynila, matapos siyang mambiktima ulit ng massage therapist sa Antipolo City.
Sa ulat ni Nico Waje sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang ilang larawan mula sa Antipolo Police ng ginawang paggapos ng suspek sa mga paa at kamay ng massage therapist sa isang motel sa lungsod.
Ayon sa masahista, hapon ng Mayo 9 nang may isang kliyente ang nag-book sa kaniya para magpamasahe.
"Pinapasok niya ako, nakahawak po siya sa pintuan... Sinunggaban niya po ako tapos nakatutok 'yung patalim niya sa akin. Ang lakas na po ng sigaw ko, wala pong nakarinig kasi naka-volume 'yung TV. Tapos nagmamakaawa po ako sa kaniya, sabi ko huwag niya akong papatayin kasi sa akin lang umaasa ang pamilya ko," sabi ng biktima.
"Tapos sabi niya sa akin, 'Huwag kang sisigaw kasi kapag sumigaw ka pa sa akin,' gigilitan niya raw po ako sa leeg," pagpapatuloy ng biktima.
Hanggang sa ginapos, binusalan at piniringan na umano ng suspek ang masahista. Dahil sa takot, napilitang sumunod ang biktima sa mga kagustuhan ng suspek.
Matapos ang panghahalay umano, kinuha pa ng suspek ang pera ng masahista.
"Ginawan ko na lang ng paraan 'yung paa ko para maipantay kahit sobrang sakit ng higpit ng tali niya sa paa ko. Tumalon talon po ako hanggang sa makababa ako, hanggang sa tumatalon-talon ako para mapansin na ako ng boy," sabi ng biktima.
Nadakip ang suspek sa Baras, Rizal sa isinagawang follow-up operation ng Antipolo Police, na napag-alamang siya ring ibinalita dahil sa kaparehong krimen sa Maynila.
"Itong suspek nating ito ay nahuli natin dito sa lungsod ng Maynila dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at eventually ay nasita nga ito ng mga tropa natin at wala rin siyang maipakitang lisensiya and nakitaan din siya ng illegal drugs kaya doon natin siya sinampahan ng kaso," sabi ni Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District.
Gayunman, nakalaya ang suspek sa kaso niyang illegal possession of drugs.
"Na-inquest natin siya roon at 'yun nga after ilang days naka-receive tayo ng release order coming from the prosecutor. May kakulangan tayo maaari ng ebidensya," sabi pa ni Ines.
Umamin ang lalaki na marami na siyang nabiktima.
"Kasi po na-scam na rin po ako dati, 'yung extra service. Tinatali ko po sila sir pagka kung sakaling tapos na po kasi, naa-ano po akong mag-hysterical sila eh," sabi ng suspek.
"Kasi nga po 'yung nangyari sa akin, para makabawi sa nangyari sa akin sa pang-i-scam po," sagot ng suspek kung bakit niya kinukuha ang pera ng mga binibiktima niyang masahista.
"Para ma-pacify 'yung victim na hindi na pumalag, pinakita niya 'yung mga previous rape victims niya together with the video. Na sinabi niya 'Hindi ikaw ang una,'" ayon naman kay Police Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, Chief ng Antipolo Police.
Habang nasa bilangguan ang suspek, isa pang biktimang massage therapist ang lumutang sa Antipolo Police, na sinabing ito rin ang kaniyang sinapit sa suspek noong Marso.
"Tututukan ka niya, bi-bidyohan ka niya, iiwan ka niyang hubo't hubad, nakagapos ka. Walang ibang makaka-ano sa 'yo," sabi ng isa pang biktima.
Sasampahan ang suspek ng rape with robbery.
Tinitingnan na ng Antipolo Police ang posibleng paglabag ng mga motel kung saan nangyari ang krimen.
Inirerekomenda rin ng mga awtoridad na ipasara ang mga ito. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News