Isinilbi na ng Department of Interior and Local Government (DILG) nitong Biyernes ang six-month preventive suspension order laban kina Cebu City Mayor Michael Rama at pito pang opisyal nito na inilabas ng Office of the Ombudsman.
Sa ulat ni John Kim Bote sa Super Radyo dzBB, sinabing wala ang alkalde at ang pitong opisyal nang dalhin ng DILG ang kautusan mula sa Ombudsman.
Ang suspension order ay mula sa reklamo ng apat na kawani ng lungsod na inilipat ng puwesto at hindi umano nakasahod mula noong July 2023.
Kinatigan ng Ombudsman ang reklamo ng apat na kawani at napatunayan umano sina Rama at ang pitong opisyal na nagsala dahil sa grave misconduct, conduct unbecoming of public officer, conduct prejudicial to the best interest of the service, grave abuse of authority, at paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for public officials and employees.
Sa ipinatawag umanong pulong balitaan nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng Super Radyo dzBB na inireklamo ni Rama ang kawalan ng "due process" sa pagdinig sa reklamo laban sa kanila at pagpapatay ng suspension order.
Naniniwala rin ang alkalde na may pulitika sa likod ng kaniyang pagkakasunpinde pero wala siyang tinukoy kung sino.
Hindi umano niya alam na may reklamo laban sa kaniya ang apat na kawani.
Sa ulat naman ng GMA Regional TV, sinabing nagtipon-tipon ang mga kawani ng city hall at mga tagasuporta ni Rama sa Plaza Sugbo grounds sa harapan ng City Hall nitong Huwebes ng hapon hanggang gabi para ipakita ang suporta nila sa alkalde.-- FRJ, GMA Integrated News