Sa ulat ng Super Radyo Palawan, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, sinabing natigil ang mga bata sa paglalaro sa dagat sa paglapit sa kanila ng dugong.
Mapapanood at maririnig din sa video ang boses ng mga kasamang nakatatanda ng mga bata.
Kalaunan, lumayo rin nang kusa ang dugong at nagtungo sa mas malalim na bahagi ng dagat.
Base sa panayam ng Super Radyo Palawan sa uploader ng video na si Romar Villudrez, normal sa lugar nila ang na lumalapit ang mga dugong sa mga residenteng naliligo sa dagat.
Dalawang dugong ang madalas nilang makita sa nakaraang tatlong taon, at maamo at sanay umano ang mga ito sa mga tao.
Noon, nakikipaglaro ang mga dugong sa parte ng dagat na dalawa hanggang tatlong metro ang lalim. Ngunit ngayon, napapadalas na ang mga dugong malapit sa baybayin at mas mababaw na tubig.
Alam ng mga nakatatanda na ipinagbabawal ang paghawak sa mga dugong, ngunit hindi na nila napigilan ang mga bata.
Hindi naman din nila sinasaktan ang mga lumalapit sa kanilang mga dugong.
Gayunman, sinabi ng Palawan Council for Sustainable Development na mailap sa mga tao ang dugong.
Ang agad na hindi paglangoy nito palayo ay senyales ng stress.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na hindi dapat nilalaro o hinahawakan ang mga dugong.
Sakaling may makitang dugong, mas mainam na huwag itong lapitan o tumawag ng mga awtoridad para masigurong nasa maayos na kalagayan ang mga ito.
Critically endangered species o nanganganib nang maubos ang mga dugong kung hindi mapoproteksyunan. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News