Kumpirmado na mga pulis ang dalawa sa limang suspek sa nangyaring pamamaril at pagpatay sa isang nakaunipormeng pulis sa Parang, Maguindanao del Norte.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" ngayong Biyernes, sinabing sumuko na ang dalawang pulis na suspek, habang pinaghahanap pa ang tatlo.
Lumilitaw sa imbestigasyon na magkakaanak ang mga suspek na nagtulong-tulong sa pagpatay kay Police Captain Roland Moralde, nangyari nitong Huwebes.
“Nakita lang ng tropa natin [biktima] na may baril. So by chance, nanaig yung kaniyang pagiging pulis na sitahin,” patungkol ni Parang Police chief Leiutenant Colonel Christopher Cabugwag, sa isang magbubuko na napansin umano ni Moralde na may baril.
Tumakbo umano ang suspek sa compound ng kaniyang mga kamag-anak at doon na nangyari ang barilan.
Pero napatakbo si Moralde hanggang sa mapunta sa isang lugar kung saan na siya pinagtulungang pagbabarilin.
Naitawag pa umano ni Moralde ang insidente sa kaniyang hepe.
“Patawid siya, pero ano na pala siya no'n, unconscious na marami na siyang tama doon sa likod,” ayon kay Cabugwag.
“Yun sabi ko ‘May kasama ka ba?’ Meron naman daw pero pinasunod ko na rin ang team. Pero patay na siya nang abutan,” dagdag ng opisyal.
Sa pagsuko ng dalawang pulis na suspek, narekober ang M16 armalite rifle na pinaniniwalaang ginamit din sa pagbaril sa biktima.
Sa pahayag ni Philippine National Police chief General Rommel Francisco Marbil, sinabi nito na masusing iimbestigahan ang pangyayari.
Sa ulat naman ng GMA Regional TV News, mariing kinondena ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang ginawang pagpatay kay Moralde.
Inatasan ng PRO-BAR ang Maguindanao Del Norte Provincial Police Office, na masusing imbestigahan ang nangyari kay Moralde, na miyembro ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB 14-A).
“The prevalence of violence against our policemen is deeply concerning, as it demonstrates a disregard for the principles of law and order. These acts of disrespect towards authorities should not be tolerated, as they undermine the safety of our policemen and pose a threat to maintaining peace, order, and the safety of the community,” ayon sa pahayag ng PRO-BAR.
“We stand in solidarity with the family of the victim throughout this difficult period. Thus, PRO BAR is fully committed to swiftly identify and apprehend the perpetrator/s behind this incident. We are calling on the general public to collaborate and join forces with the PNP and other government officials in our efforts to deliver justice to the victim's family. The cooperation and support of the community are valuable in solving this crime and ensure the safety of our society,” dagdag pa nito.--Vince Angelo Ferreras/FRJ, GMA Integrated News