Nasawi ang isang negosyante matapos siyang pagbabarilin sa labas ng isang convenience store sa Bacolod City.
Sa ulat ni Aileen Pedreso sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, sinabing nangyari ang krimen kaninang madaling araw sa Barangay Estefania.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang SUV ng biktima na nakatigil sa labas ng convenience store. Nakaparada naman sa likuran ng kaniyang sasakyan ang isang kotse.
Nang pasakay na sa kaniyang SUV ang biktima, dalawang salarin ang lumabas mula sa nakaparang kotse at pinagbabaril ang negosyante.
Kaagad na tumakas ang mga salarin, habang isinugod naman sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.
Ayon kay Police Captain Francis Depasucat, hepe ng Police Station 4, may indikasyon na plinano ng mga salarin kung saan makakakuha ng pagkakataon para maitumba ang biktima.
Kabilang ang negosyo sa sinisilip ng mga awtoridad na posibleng motibo sa krimen.
Nakahanda naman ang barangay na makipagtulungan sa imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin upang mabigyan ng hustisya ang biktima na residente rin sa kanilang lugar.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News