Hindi maiwasang mangamba ngayon ng mga residente sa isang barangay sa Midsayap, Cotabato dahil sa nakitang hunos o pinagbalatan ng isang pinaniniwalaang dambuhalang sawa.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing nakita sa gilid ng isang bahay sa Purok Tres, Barangay Anonas ang hunos na may 10 talampakan ang haba noong Lunes ng gabi.
Dahil hindi pa nakikita ang sawa, pinayuhan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga residente na mag-ingat at maging mapagmatyag.
Matatandaan na noong nakaraang Marso, may nakita ring hunos o pinagbalatan ng sawa sa Barangay Bued sa Calasiao, Pangasinan, na tinatayang 20 talampakan ang haba.
Hindi pa nakikita ang naturang sawa.-- FRJ, GMA Integrated News