Patay ang isang 13-anyos na babaeng Grade 8 student matapos barilin sa ulo habang naglalakad papasok sa paaralan sa Agoncillo, Batangas.
Sa ulat ni Hazel Abiar ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang krimen sa Barangay Banyaga dakong 6:00 am.
Ayon kay Police Major Broderick Noprada, Officer-in-Charge ng Agoncillo Police Station, inakala umano ng mga tao na naghahatid lang ng estudyante ang suspek.
“Sa hindi malamang dahilan ay binaril niya ‘yung bata. ‘Yun nga ang akala kasi nila is parang naghahatid lang ng estudyante. Actually may isa nga dun na isang barangay tanod na nakabiruan pa ng suspek, kaso lang hindi niya masyadong namukhaan ‘yung suspek,” sabi ni Noprada.
Matapos barilin ang biktima, tumakas ang salarin sakay ng motorsiklo.
Sinabi ni Noprada na susuriin nila ang mga CCTV footage sa lugar at magsasagawa ng backtracking investigation para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin.
“Yung suspek natin is naka-jacket [at] naka-shorts, and gamit niya [na motor]... isang hindi pa namin makuha yung mismong brand ng motor,” ani Noprada.
Sinabi naman ng kapatid ng biktima na wala silang alam na nakaaway ng dalagita, at wala rin sa kanilang naikuwento.
“Taong bahay lang po siya, lalabas lang ho [at] papasok [sa paaralan, o] bibili lang sa tindahan. Hindi po siya nagse-cellphone lagi, pinagbabawalan ko eh… hustisya ang kailangan, hindi na naawa sa aking kapatid, sa ulo po binaril,” emosyonal na pahayag ng kapatid. --FRJ, GMA Integrated News