Patay sa ambush ang isang 28-anyos na insurance agent matapos siyang pagbabarilin sa loob ng SUV ng mga salaring sakay ng motorsiklo sa Vigan City, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon, kinilala ang biktima na si Marrione Tugade.
Ayon sa pulisya, nakahanap ng pagkakataon ang mga salarin na barilin ang biktima nang tumigil ang SUV nito dahil sa trapiko sa Quirino Boulevard.
“Busy street kasi yung along Quirino [Boulevard] so nagkaroon ng traffic, kaya’t nagkaroon ng opportunity ‘yung ating gunman na barilin ‘yung biktima doon sa sasakyan niya,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Reynando Pitpitan, acting chief ng Vigan City Police Station.
Nakaligtas naman ang isa pang sakay SUV.
Patuloy pa imbestigasyon ng mga awtoridad sa posibleng motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.
Sa kuha ng CCTV camera, bahagyang nakita ang mukha ng isa sa dalawang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News