Nasawi ang isang lalaki na apat na taong gulang nang mahulog mula sa ika-27 na palapag at bumagsak sa canopy na nasa ikatlong palapag ng isang condominium sa Cebu City.

Sa ulat ni Nikko Sereno ng GMA Regional TV Balitang Bisdak sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, inihayag umano ng ina ng bata na natutulog ang kaniyang anak nang iwan niya at bumaba siya ng gusali.

Nang bumalik siya sa kaniyang unit, wala na ang kaniyang anak. Hanggang sa malaman niya na may batang nahulog at nakumpirma kinalaunan na kaniyang anak.

Nakalabas umano ang bata sa pagdaan sa bintana.

Isinugod ang bata sa ospital pero idineklara na itong dead on arrival.

Nagsasagawa naman ng imbestigasyon ang pulisya, lokal na pamahalaan at pamunuan ng condominium building.

“We just don’t rely on [the statements]. We will have to validate it so mangangalap kami ng additional na mga ebidensya like mga CCTV,” said CCPO, DCDO Police Lieutenant Colonel Janette Rafter.

“Hindi basta-basta mahuhulog ang bata. Nasaan ang magulang?,” dagdag naman ni Cebu City Mayor Mike Rama.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng condominium building at nangakong magbibigay ng suporta sa pamilya ng bata.

Tiniyak din nila ang mga nakatira sa gusali na sinusunod nila ang safety and security measures sa pasilidad.

Dadalhin ang mga labi ng biktima sa Davao para doon iburol at ilibing.-- FRJ, GMA Integrated News