Mahigit 10 katao ang isinugod sa ospital nang makaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka dahil umano sa kinain nilang halo-halo mula sa isang tindahan sa Kidapawan City.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Martes, sinabing isa-isang dinala sa pagamutan ang mga nakakain Sabado ng hapon.

Kabilang sa mga pasyente ang isang 3-anyos na bata.

Pansamantala munang ipinasara ang tindahan samantalang hinihintay ang resulta ng test mula sa sample ng halo-halo.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng panig ang may-ari ng tindahan, ngunit tumanggi ito.

Gayunman, agad silang nakapagbigay ng ayuda sa mga biktima.

Ayon sa huling ulat, may tatlong pasyente pa ang nasa ospital.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News