Nasawi ang isang 20-anyos na rider na graduating college student matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa tricycle na tinangka umano nitong unahan at mahagip pa ng kasalubong na truck sa Bantay, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Nathaniel Riduca, na magtatapos na sana sa kolehiyo sa darating na Mayo.
Sa CCTV footage ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa bahagi ng Barangay Quimod, makikita ang pagdaan ng isang tricycle at kasunod nito ang motorsiklo na minamaneho ni Riduca na mabilis ang takbo.
Hindi na malinaw na nakita sa video ang sumunod na nangyari pero mapapansin na sa gitna ng liwanag at may biglang lumiyab na pula.
Ayon sa pulisya, nag-overtake umano si Riduca sa tricycle pero nasagi niya ito kaya nawalan siya ng kontrol at sumalpok sa kasalubong na truck na nasa kabilang linya.
Nagliyab din umano ang motorsiklo ng biktima dahil sa banggaan, at hindi nakaligtas ang biktima.
Nagtamo rin ng mga sugat ang driver ng tricycle dahil sa insidente.
“Overtake-kan niya yung tricycle [at] nasagi niya itong tricycle [kaya] hindi niya na-control [yung motor] at pumunta sa opposite lane,” sabi ni Police Major Pol Areola, Officer-in-Charge ng Bantay Police Station.
Ayon sa kaanak ng biktima, hindi nila alam noon ang kinaroroon ng binata.
“Hindi siya nagpaalam sa amin, [ang alam namin] nanggaling siya ng eskwelahan, akala namin nasa bahay na siya ng girlfriend niya,” ayon sa ina ng biktima na si Vilma Riduca.
Hindi pa umano nagkakausap ang mga kaanak ni Riduca, at mga driver ng tricycle at truck.
Paalala naman ng pulisya, maging maingat palagi sa pagmamaneho para maiwasan ang disgrasya.--FRJ, GMA Integrated News