Malubhang nasugatan ang isang lalaki matapos siyang barilin sa likod ng ulo sa Sto. Domingo, Ilocos Sur. Ang suspek, tumakas at tinangay ang nakitang motorsiklo na nasa gilid ng daan at kinalaunan ay sumuko sa pulisya sa ibang bayan.
Sa ulat ni Ivy Hernando sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nagpapahinga noon sa duyan ang 28-anyos na biktima sa Barangay Paras sa Sto. Domingo nang barilin siya sa likod ng ulo.
Isinugod siya sa ospital at ligtas na ang kalagayan pero hindi pa siya makausap.
Ayon sa pulisya, suspek sa krimen si Leo Cabusao, na dating nobyo ng babaeng nakakamabutihan ng biktima.
Ang babae ang lumalabas na saksi sa krimen dahil kasama niya ang biktima nang mangyari ang pamamaril.
Matapos isagawa ang krimen, naglakad ang suspek patungo sa kalapit na bayan ng San lldefonso, at doon tinangay ang nakaparadang motorsiklo na pag-aari ng isang tanod na nagpapatrolya.
Nagtungo ang suspek sa kaniyang kamag-anak sa bayan ng Bantay, at doon na iniwan ang ninakaw na motorsiklo, at pagkaraan ay sumuko sa pulisya sa bayan ng Santa.
Sinabi ni Cabusao na wala siyang intensyon na barilin ang biktima at hindi rin umano totoo na nagseselos siya.
Sinampahan ang suspek ng kasong frustrated murder, at desidido rin ang tanod na sampahan ng reklamo ang suspek sa ginawang pagtangay sa kaniyang motorsiklo.-- FRJ, GMA Integrated News