Nalubog sa hanggang pitong talampakang lalim ng baha ang nasa 14 na sasakyan na nakaparada sa daluyan ng tubig nang biglang bumuhos ang malakas na ulan sa Baguio City.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa bahaging ng City Camp Lagoon sa Barangay Lower Rock Quarry, nitong Miyerkules ng gabi.
Ang pagbaha ay dulot umano ng mga bumarang basura sa drainage canal.
Nitong Huwebes ng umaga, nalinis na ang mga basura, pero may tatlo pang sasakyan na nananatiling nakaparada kung saan nangyari ang pagbaha.
"'Yung mga sasakyan, ‘yung iba doon residente yung nakuha nila na nagmamay-ari sa ibang sasakyan and itong ibang sasakyan na hindi pa na-claim. Hinihintay nila para po makuha kung taga-roon ang mga ito,” ayon kay Police Captain Angeline Dongpaen, PIO, Baguio City Police.
Ayon sa isang opisyal ng barangay, pinayagan nila ang pagpa-park sa daluyan ng tubig bilang pansamantalang solusyon sa implementasyon ng anti-road obstruction.
Pero dahil sa nangyari, hindi na muna pinapayagan ang magparada ng sasakyan sa lugar.
Samantala, binaha rin ang San Luis, Aurora, at umapaw naman ang Abuan river sa Ilagan, Isabela.-- FRJ, GMA Integrated News