Halos maputol umano ang ulo ng isang 43-anyos na lalaki matapos siyang tagain sa batok ng nakaalitan niyang suspek na 70-anyos sa Pili, Camarines Sur .
Sa ulat ni Cris Novelo sa GMA Regional TV Balitang Bicolandia nitong Miyerkules, sinasabing nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang suspek at ang biktima na nauwi sa krimen.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Police Captain Elias Sta. Cruz Jr., Operations Officer ng Pili Municipal Police Station, na sinuntok ng biktima ang suspek .
"Sinugod [ng biktima] yung suspek at pinagsusuntok siya. Dahil itong suspek natin eh matanda na rin napilitan siyang idepensa yung kaniyang sarili at nagamit yung itak na dala-dala niya,” ayon kay Sta. Cruz Jr.
Hindi naman matanggap ng kaanak ng biktima ang sinapit nito.
"Apat na anak niya, tapos ang asawa pa niya nasa ibang bansa nagtatrabaho para lang mabuhay ang [mga] anak niya ngayon bigla na lang papatayin ng tao na yun," hinanakit ng bayaw ng biktima.
Nasa kostudiya ng mga awtoridad ang suspek na posibleng maharap sa reklamong homicide, ayon kay Sta. Cruz. --FRJ, GMA Integrated News