Hindi pinatawad ng manloloko ang isang 75-anyos na lola na nagtitinda ng itlog matapos na bayaran ng pekeng pera na nagkakahalaga ng P2,000 sa Calasiao, Pangasinan. Ang mga paninda niya inutang lang ang puhunan, natangay pa.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkules, inilahad ng biktimang si Esther dela Cruz, na nilapitan siya ng lalaking sakay ng motorsiklo para pakyawin ang tinda niyang mga itlog.

Anim na tray ng itlog ang binili ng suspek na nagbayad ng dalawang tig-P1,000 na papel. Binigyan pa siya ni dela Cruz na P500 na sukli.

Pero nalaman ng biktima na peke ang ibinayad sa kaniya nang kumain siya sa kantina at ginamit na pambayad ang pera na galing sa suspek.

"Nalaman [ko] na peke ang pera noong ibibili na sa canteen kasi nagugutom na kami, nang babayaran ko na, ‘Hindi puwede ang pera niyo, peke,’ sabi nila," naluluhang kuwento ni dela Cruz.

Mabilis daw na nagtiwala ang biktima sa suspek dahil maayos na nakipag-usap sa kaniya. Doble pasakit ang nararamdaman ni dela Cruz dahil natangay ng suspek ang tinda niyang mga itlog na ipinangutang lang niya ang puhunan, bukod pa sa P500 na kaniyang ipinanukli.

"Sana hindi na niya gawin sa ibang tao ang ginawa [niya sakin], Diyos na ang bahala sa kaniya," saad ni Dela Cruz.

Nakatakdang magtungo sa pulisya ang biktima para irepost ang pangyayari at maghain ng reklamo.

Nagpaalala naman ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko na mag-ingat at mapanuri sa mga tinatanggap na pera dahil sa paglipana ng mga pekeng pera.

"Sasalatin natin ang pera, dapat mas strong ang pera and mas magaspang kasi made of cotton and abaca, tingnan natin ang watermark [at] security fiber," payo ni Gomer Gomez, opisyal ng BSP-Dagupan City.-- FRJ, GMA Integrated News