Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 19-anyos na binata na natuhog sa mga steel rebar matapos mabundol ng isang pick-up truck sa Cagayan de Oro noong nakaraang linggo. Nakaligtas kaya ang biktima na natusok ng mga bakal sa balikat, tagiliran at hita?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na bago mangyari ang malagim na aksidente, galing ang biktimang si Eric, sa bahay ng kaniyang nobyang si Jonah sa Barangay Budo.
Ayon kay Jonah, magtatanghali na noon at hinikayat niya si Eric na huwag na munang umalis para sa bahay na mananghalian. May nararamdaman din umano hindi tama ang kaniyang ina kaya ayaw ding paalisin ang binata.
Gayunman, nagpilit pa rin na umalis si Eric na pupunta umano sa kaniyang kaibigan.
Pero makalipas lang ng ilang saglit matapos umalis ng bahay, nabangga na ng pick-up si Eric at tumilapon sa nakaimbak na steel rebar na ginagamit sa ginagawang drainage sa gilid ng kalsada na malapit lang kina Jonah.
Kaya naman kitang-kita ng dalaga ang kalunos-lunos na kalagayan ng nobyo habang namimilipit sa sakit habang nakaturok sa katawan ang mga bakal.
Nang dumating ang medical rescue team, kaagad nila pinag-aralan kung papaano madadala sa ospital si Eric nang hindi inaalis o nabubunot ang mga bakal na nakatusok sa kaniyang katawan.
Dahil na rin sa dami ng bakal, kinailangan muna nilang tukuyin ang mga partikular na bakal na nakatusok sa balikat, tagiliran at hita ni Eric, na kanilang puputulin.
Tumagal ng halos isang oras ang proseso bago naputol ang mga bakal pero hindi inalis ang mga nakatusok sa kaniyang katawan nang isugod siya sa ospital.
Ayon sa duktor, tumagal ng pitong oras ang isinagawang operasyon kay Eric.
Sinuri at inayos ang mga organ na posibleng napinsala sa pagkakatusok ng mga bakal. Sa kabutihang-palad, nakaligtas si Eric pero kailangan pa niyang magpagaling sa ospital.
Ngunit dahil sa trauma, hindi pa umano makausap nang maayos ang binata.
Ayon sa pulisya, sumuko naman ang driver pero hindi nito masabi kung bakit siya nakaaksidente.
Nagpasya rin ang mga kaanak ni Eric na huwag nang sampahan ng reklamo ang driver dahil sinagot nito ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng biktima.
Binabayaran din umano ng driver ang nawalang kita ni Eric dahil hindi ito nakapagtatrabaho bunsod ng aksidente. --FRJ, GMA Integrated News