Dalawang lalaking environmental activists ang nawawala makaraang dukutin at sapilitan umanong isama ng mga salarin sa San Carlos City, Pangasinan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing naglalakad ang mga biktima na sina Francisco Dangla II at Axielle Tionginsidente, nang kunin sila ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Agdao.
"May taong kumuha sa kanila, hindi sila kusang sumama kundi talagang kinuha sila, as in kinuha sila base sa mga witnesses na nandoon noong gabing ‘yon," ayon sa kapatid ni Dangla na si Hazel Dangla-Maneclang.
Inihayag ng Pangasinan Police Provincial Office, sinusuri pa nila ang mga footage mula sa mga CCTV camera na malapit sa lugar bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.
"On-going ang investigation, under review ang mga CCTV na malapit doon sa area," ayon kay Police Captain Renan Dela Cruz, Pangasinan PPO PIO.
Inihayag naman ni Reynaldo Gil Gutierrez, barangay councilman, nakikipagtalungan sila sa imbestigasyon ng pulisya para sa ikalulutas ng kaso.
Kabilang umano sina Dangla at Tiong sa mga aktibong tumututol sa konstruksyon ng isang power plant at umano'y illegal mining sa lalawigan.
Nananawagan si Hazel sa mga may impormasyon tungkol sa nangyari sa dalawa na makipag-ugnayan sa pulisya.
Naglabas din ng pahayag ang NGO na Greenpeace para sa ligtas na pagpapalaya sa dalawang biktima.--FRJ, GMA Integrated News