Umabot na sa 17 tao ang nasawi sa nangyaring banggaan ng isang pampasaherong van at isang dump truck sa Antipas, Cotabato nitong Lunes. Ang mga biktima, nasunog pa.
Sa ulat ng GTV "State of the Nation," sinabi ng pulisya na nagliyab ang van at nakaladkad nang mabangga ng truck na may karga namang buhangin.
Nawalan daw ng preno ang truck kaya hindi na ito makontrol ng driver. Ilang bata na sakay ng van ang kabilang sa mga nasawi.
Isinugod naman sa ospital ang apat pang sugatan.
Sa ulat ng Super Radyo dzBB, sinabing nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Luhong.
Ayon kay Police Captain Godofredo Tupas II, Antipas Police chief, patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa pangyayayari.
Sa Monkayo, Davao de Oro naman, nasawi ang konduktor ng bus, at sugatan ang 22 sakay nito nang bumangga sila sa isang nakatigil na container van sa gilid ng daan.
Hindi raw napansin ng driver ng bus ang container van na nabangga nila sa likuran.
Nagkaroon umano ng problema sa makina ang container van kaya ipinarada ito sa gilid ng kalsada.
Iniimbestigahan pa ng pulisya kung sino sa dalawang driver ang dapat managot sa nangyaring aksidente. — FRJ, GMA Integrated News