Suffocation o hindi nakahinga sa loob ng kotse ang lumilitaw na dahilan ng pagkamatay ng dalawang batang magpinsan sa Angeles, Pampanga. Pero ang pamilya, duda dahil sa dugo na nakita sa kamay at damit ng isang bata.
Sa ulat ni Jamie Santo sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Sabado, kinilala ang mga biktima na sina Darrel, 3-anyos, at Marvin, 2, residente ng Barangay Malabanias.
Bago makita ang kanilang mga katawan sa loob ng nakaparadang kotse, nahagip sa CCTV footage ang dalawang bata na naglalaro malapit sa kotse dakong 9:00 am noong Biyernes.
Maya-maya pa, nagtungo sila sa passenger side ng kotse pero hindi na nakita kung paano sila nakapasok sa loob ng sasakyan.
Tumagal umano ng mahigit apat na oras bago natagpuan ang katawan ng dalawang bata nang hinahanap na sila ng kanilang mga kaanak.
Ayon sa pulisya, suffocation ang dahilan ng ikinamatay ng dalawang bata batay sa resulta ng awtopsiya.
Ngunit duda sa resulta ng awtopsiya ang mga kaanak ng mga bata at nais nilang makita ang buong kopya ng CCTV footage.
“’Yung anak ko, yung dugo niya sa kamay, sa damit tapos maraming pasa,” ayon sa ina ng isa sa mga bata na si Steffany Villegas.
Hinanakit pa ni Villegas, “Pinalaki namin po. Sobrang tagal ng palaki namin tapos ganyan lang mangyayari.”
“Magugulat ka wala pang isang araw patay na. Wala nang kabuhay-buhay,” saad ni Justin Balantad, ama ng isa sa mga biktima.
Iginiit din ng pamilya na hindi sila nagpabaya sa mga bata.
Hihingi sila ng tulong sa Commission on Human Rights para maimbestigahan ang nangyari.
Napag-alaman naman na pag-aari ng isa sa mga residente ang kotse na ginagamit sa ride-hailing app.
Sinabi ng driver ng kotse na si Fermhan Pamintuan, na handa niyang harapin ang imbestigasyon. Humingi rin siya ng paumanhin sa nangyari.
“Nanghihingi po ako ng sorry, ng dispensa. Hindi ko po kayang gawin na pumatay ang isang tao din. Kung ano po kapupuntahan ng nangyaring to, haharap po ako,” ani Pamintuan.
“Wala naman pong may kagustuhan na mangyari yung ganon. Saka sa ibang mga magulang, linangin po nila yung mga anak nila,” dagdag naman ng kaniyang ama na si Norman.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.— FRJ, GMA Integrated News